Sunday, February 15, 2015

Lingap at Lakbay

Malingap at Malumanay ang mga kantong madalas kong tahakin para makarating sa aking Fortress sa Masambahin. Ngunit malingap at malumanay man sila, madalas naglalakbay ang diwa ko nasa iba. Naglalakbay sa mga pulo, dagat, kabundukan at kalye. Dumadaan din sa mga kanto ng utak ko na maraming paliku-liko, dead-end, maluwag at makipot na eskenita at daan. Ginagabayan ako madalas ng ihip ng hangin, busina ng sasakyan, huni ng mga ibon, ingay ng mga tao, musika ng kalikasan, liwanag ng buwan at mga bulong sa aking kapaligiran. Madalas ako maligaw sa aking maglalakbay at pagtahak sa kanto ng buhay, ngunit alam ko, ano man ang madaanan ko ay mayroong dahilan at ako ay ginagabayan ng aking Kalikasan at ng Ama Kong Lumikha nito.

Ako nga pala si Gerrie Anne, oo galing sa tatay ko ang unang parte ng pangalan ko kasi nga siya si Gerry, pero hindi Anne ang pangalan ng nanay ko. Sadya lang talagang dinugtong iyon para masabing babae ako. Oo babae ako, pero sabi nila madalas asal lalake ako, garapal, makulit at madaldal. Hindi naman sa lahat ng pagkakataon pero madalas. Hindi ko nga rin maintindihan eh, kung bakit kelangan magkaroon ng asal babae at lalake kahit alam naman ng lahat na dikta lang yun ng lipunan. Pero teka, hindi ako nandito ngayon para ikwento ang aking pananaw tungkol sa ganyang usapin. Nandito nga pala ako para magpakilala.

Maliban sa Gerrie Anne, tinatawag nila akong Gerrie sa trabaho, Anne ng isang crush ko, G.An ng mga Kaibigan ko, Umaga Supertramp ng mga piling tao at Dyosa ng kalikasan at kapaligiran ko. Oo, wag ka nang kumontra, akin ang pahinang ito.

Kung susumahin, siguro pang lima ko na itong "blog". Pero ngayong huli, balak ko tong ituloy. Existing pa naman ang isa o dalawa sa mga nauna, gusto ko lang ulit ng bago at nasa wika ko. At kasi, kabibirthday ko lang, so gusto ko din gumawa ng panibago tanda ng pagtanda ko. 

Tapos na ang Birthday ko, nung February 6. Hindi ko masasabing perpekto ang araw, pero masaya naman ako. Quarter life crisis daw, pero hindi ko din maintindihan ang quarterlife crisis. Paano kung umabot ka ng higit sa isang daang taon, e di ibig sabihin tapos na ang buhay mo nun, kasi ang buhay ay nahahati sa kwarter, hap at triport at pul. hehe. Joke yun. Sisimulan kokaarawan ko dapat to nung kaarawan ko pero masyado ata akong naging punong abala sa trabaho, nung araw ng mga puso(kahapon yun) pero nakipagdate pa ako sa kama ko at kapatid ko at sa kaibigan ko. Kaya ngayon nalang post valentines. Para na din walang kasabay kung aabot man kami ng taon ng blog na to. :)

Oo nga pala, ang pahinang ito ang magiging virtual fortress ko tuwing may gusto akong ilabas na tuwa o sama ng loob o paksa na di ko mailabas sa mga nilalang ng mundong ito. Ito rin ang magiging takbuhan at taga tala ng mga paglalakbay diwa at katawang lupa ko. Hindi ko alam kung babasahin ng tao o hindi, at wala na din naman akong pakiaalam. gusto ko lang ilabas sya parang tae para kahit papaano naman eh mabawasan ang mga bagahe ko. Ganun naman talaga. Eto lang muna sa ngayon. Sa susunod ulit.

Nawa ay maging malingap at makabuluhan ang pagbuo ko nito at Siya nawa ay patnubayan ako sa kung ano man ang marating at malakbay ko sa mundong ito at sa other dimension of planet earth. Amen.


Nagmamahal,
Umaga